Paano nga ba magpasalamat sa Santo Papa?

2

Pope Francis sa UST. Kuha ni: Mika Barrios

Dating palaboy si Glyzelle Palomar, 12 taong gulang. Laki sa hirap, mula sa walang-wala, at maaring nakaranas na ng mga bagay na hindi pa dapat maranasan ng isang paslit. Pero kahapon, sa Unibersidad ng Santo Tomas, nakaharap niya si Pope Francis.

“Maraming bata ang pinabayaan ng kanilang mga magulang,” sabi ni Glyzelle sa Santo Papa sa Encounter With the Youth. “Maraming bata (ang nakaranas) ng masama tulad ng droga at prostitusyon.” Dito na naging emosyonal ang dalagita. “Bakit po pumapayag ang Diyos na may ganitong nangyayari sa amin kahit walang kasalanan ang mga bata?”

Mula sa binabasang papel ni Pope Francis, napatingin siya kay Glyzelle. Sandaling nanahimik ang buong UST. Nilapitan si Glyzelle ng Santo Papa, at saka hinagkan sa pagyakap.

2

Pope Francis at Glyzelle. Photo: Reuters

Kahit siya ang lider ng buong Simbahang Katolika, hindi nagmarunong ang Santo Papa. Aminado siyang walang sagot sa tanong ni Glyzelle. “Look out for this fact today, Glyzelle is the only one who has put forward a question for which there is no answer … She was able to express herself, but in tears.”

Madalas, kapag tumutulong tayo sa mga hikahos sa buhay, nagbibigay tayo sa kanilang limos. Pero sabi ng Santo Papa, balewala ang “worldly compassion” na ito dahil panandalian lang ang tulong at nauubos din. Para raw maintindihan at mahalin ang kapwa nating walang-wala, isa lang daw ang paraan: matutong umiyak para mas maunawaan sila.

“Only when we too can cry about things which you said, are we able to come close to replying to that question. Why do children suffer so much? When the heart is able to ask itself and cry, then we can understand something … If you don’t learn how to cry, you cannot be a good Christian.” 

1

Dagat ng pananampalataya. Kuha ni Toni Tiongco.

Kilala si Pope Francis sa pagbasag ng mga protocol. Sa UST, hindi niya muling binasa ang inihanda niyang talumpati. Gayunman, lahat pa rin ng lumabas sa kanyang bibig ay mahulugan at (ika nga’y) tagos sa puso. Marahil ito ang dahilan kung bakit isa ako sa milyun-milyong Pilipinong Katoliko na bilib sa Santo Papa. Alam niya ang kanyang mga ginagawa, alam niya ang kanyang mga sinasabi. Lahat ng kanyang mga ibinagkas, pinagninilayan.

Maya-maya pa, umawit na ang lahat ng “Tell The World of His Love.” Pinipigilan ko na lang ang aking emosyon.

Nasa newsroom lang ako sa buong Papal Visit. Nagsusulat, nagmo-monitor. Hindi ako sumalubong sa kanyang pagdating sa Villamor Airbase. Hindi ako nag-abang sa Apostolic Nunciature. Hindi rin ako pumila ng kalahating araw (o higit pa) sa Mall of Asia Arena, Tacloban, UST o sa Quirino Grandstand. Pero damang-dama ko pa rin ang mensaheng gusto niyang iparating. Ito pala ang ibig sabihin ng mercy and compassion. Akala ko, slogan lang.

Maraming Pinoy ang binalewala ang init, pagod, ulan, ginaw at mahabang oras na paghihintay–masilayan at makawayan lang ni Pope Francis. Iba raw ang “high” na makita ang Santo Papa sa personal, lalo’t siya ang kinatawan ni Hesu Kristo sa lupa. Sa halos 5 araw na pagbisita ng People’s Pope sa Pilipinas, ipinakita natin ang Filipino hospitality. Sinuklian naman niya ito ng pagbasbas, at halos walang pagod na pagkaway habang nakasampa sa kanyang Pope Mobile.

Tumigil ang mundo ng mga Katolikong Pilipino sa pagbisita ng Santo Papa. May nagsabi na tila nag-retreat daw ang buong bansa sa mga mensahe niya. Nabigyan ng panibagong pag-asa ang mga biktima ng Bagyong Yolanda, pati na rin ang mga nauubos na ang pananampalataya.

Pero ngayon–umalis na ang Santo Papa. Magbabalik na ulit sa normal ang lahat. Tatanggalin na ang mga barikada sa Maynila, at aalis na ang mga naka-abang sa Nunciature. Sa huling pagkaway ni Pope Francis kanina, napaisip ako–Paano nga ba pasasalamatan ang Santo Papa?

Huwag daw panandalian ang ibigay, kundi pang habambuhay.

Standard